Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na naaaresto ng pulisya dahil sa paglabag sa gun ban na kasalukuyang umiiral ngayon sa Pilipinas.
Sa pinakahuling datos ng Philippine National Police (PNP), umakyat na sa 1,002 ang bilang ng mga naarestong mga gun ban violator mula sa 881 na mga operasyon na kanilang isinagawa simula nang ipatupad ang implementasyon ng naturang polisiya noong Enero 9.
Kabilang sa mga naaresto ay ang 966 na mga sibilyan, 13 security guards, walong pulis, at pitong mga sundalo.
Sa ulat ng pulisya ay nangunguna ang Metro Manila sa may pinakamaraming naitalang violators na nasa 330.
Sinundan naman ito ng Central Luzon na nakapagtala ng 120 violators; Calabarzon na may 99; Central Visayas na may 87, at Western Visayas na may naitalang 51 na mga violator.
Nasa kabuuang 771 naman ang nakumpiskang firearms ng PNP, 290 mga kutsilyo, 57 explosive devices, at 4,771 na mga bala.
Ipapatupad ang naturang gun ban hanggang sa pagtatapos ng panahon ng halalan sa darating na Hunyo 8.