-- Advertisements --

Umabot na sa 1,791 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na naaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa naging paglabag ng mga ito sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec).

Sa isang statement, sinabi ng PNP na nasa 1,740 sa mga ito ay pawang mga sibilyan, 15 ang mga police officers, at siyam na military personnel.

Na-timbog ang mga ito sa 1,673 na kabuuang bilang ng ikinasang operasyon ng pulisya kung saan nakumpiska ang 1,379 na mga armas, 7,634 piraso ng ammunition, at 650 deadly weapons.

Batay pa sa pinakahuling datos ng pulisya, nangunguna ang National Capital Region (NCR) sa mga rehiyon na may naitalang pinakamaraming bilang ng mga naarestong violator na may 598 na mga arestado, na sinundan naman ng Central Visayas na may 189; Central Luzon na may naitalang 124 violators; 187 sa Calabarzon; at Western Visayas na may nahuling 100 violators.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 10728, mula Enero 9 hanggang Hunyo 8 ay ipinagbabawal ang anumang uri ng pagdadala ng firearms o deadly weapons sa labas ng tirahan at sa lahat ng mga pampublikong lugar.

Exempted naman sa naturang batas ang mga law enforcers na may authorization mula sa Comelec at nakasuot ang mga ito ng kanilang agency-prescribed uniform habang nasa official duty ngayong panahon ng election.

Samantala, mahaharap naman sa kasong pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi rin hihigit sa anim na taon, at hindi rin isasailalim sa probation ang sinumang mahuling lalabag sa naturang resolusyon.

Bukod dito ay mahaharap din ang mga ito sa disqualification mula sa paghawak sa mga pampublikong opisina, mawawalan ng karapatan sa pagboto, at kanselasyon o permanenteng disqualification sa pagkuha ng lisensya ng baril.