-- Advertisements --

Nakatakdang magpadala ng team ang Philippine National Police (PNP) para sunduin si Ozamiz Councilor Ardot Parojinog na naaresto ng Taiwanese authorities kagabi.

Si Ardot ay kapatid ng napatay na alkalde na si Reynaldo “Aldong” Parojinog, tiyuhin nina Vice Mayor Nova Parojinog na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, at kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. na nakakulong sa Quezon City Jail.

Hindi pa naman masabi ng PNP ang detalye sa pagsundo kay Parojinog para maibalik sa bansa.

Ayon kay PNP spokesman C/Supt. John Bulalacao, wala pang impormasyon kung nakaalis na ng bansa ang isang team ng PNP para sunduin si Parojinog.

Si Ardot ay 10 buwang nagtago matapos ang madugong raid sa mga tahanan ng mga Parojinog sa Ozamiz na nagresulta sa pagkakapatay kay Mayor Parojinog nang manlaban umano ito sa mga operatiba na nagsilbi ng search warrant.

Naglabas din ng lookout bulletin ang Department of Justice laban kay Parojinog na wala sa lugar nang maganap ang raid, kaugnay ng mga natagpuang baril sa kanyang tahanan.