-- Advertisements --

Patuloy ang pagdami ng mga nabibiktima ng love scam habang papalapit ang buwan ng Pebrero o araw ng mga puso.

Hindi pa rin umano kasi napipigilan ang mga naitatalang biktima sa online ng naturang scam na mas tumataas sa pagpasok ng bagong buwan.

Bagama’t buong taon naman daw ay may naitatalang kaso ng love scam, ayon sa tagapagsalita ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na si Spokesperson Renato Paraiso, mas tumitindi pa umano ito lalo sa buwan ng Pebrero.

Kung saan, ibinahagi din ng tagapagsalita ng kagawaran na kada-araw ay mayroong 15 kaso ang naitatala ng ahensya na mga nabibiktima sa ganitong uri ng pangloloko.

Paliwanag niya, ang pagkahilig ng karamihan sa mga Pilipino na magpost online ay isa sa mga tinitingnang rason kung bakit may mga nadadala sa pangloloko.

Dahil dito nagbigay ng babala si Spokesperson Renato Paraiso na mag-ingat sa mabilis na pag-usad ng mga relasyon sa mga nakakausap sa dating apps na ginagamit.

Kaugnay pa rito, sinabi din niyang kadalasan sa mga nabibiktima ay mga senior citizens.

Ayon sa kanya, hindi kasi ganun na maalam ang mga matatanda pagdating sa paggamit ng social media.