LAOAG CITY – Umabot sa mahigit 80 katao ang nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa P2P Investment Company.
Ito ay matapos boluntaryong sumuko sa NBI ang itinuturong pinuno ng nasabing kompaniya na si Angelica Joyce Nacino, may asawa at residente sa Pasuquin, Ilocos Norte pero nagpakilala sa pangalan na Katherine Joyce Ubaza, dahil may mga natatanggap umano siyang banta sa buhay.
Ayon sa isa sa mga naging biktima ng P2P Investment Company na nagpakilala lamang sa pangalan na “Michael” unang sumali ang kaibigan nito at dalawang beses na nakatanggap ng sinasabing interest ng kanyang pera.
Dahil dito, inakala niyang hindi ito scam kaya naengganyo siyang nag-invest ng umabot P50,000 pero walang naibalik sa kanya.
Ayon sa NBI, umaabot sa P5 milyon ang nakulimbat ng kompaniya mula sa mga naging biktima nito.
Sa ngayon nananatili sa kustodiya ng NBI ang lider ng investment company na si Nacino.