BUTUAN CITY – Dahil sa walang natanggap na election money mula sa kanilang sinuportahang kandidato sa lungsod ng Butuan na hatid ng “vote now, pay later” scheme, dumulog sa Bombo Radyo Butuan ang dalawang mga botante ng isang barangay.
Ito ay upang ireklamo ang umano’y pagbulsa ng kanilang barangay kapitan sa kanilang tig-P1,000 na budget bawat-isa.
Ayon sa mga nagrereklamo na itinago muna sa mga pangalang “Inday” at “Neneng,” ilang ulit na umano silang bumalik sa bahay ng kanilang barangay kapitan simula pa nitong nakalipas na gabi upang kunin ang kanilang budget.
Ngunit nang mapansin na na hindi na ito matatanggap dahil iba’t ibang rason at ang huli ay ubos na umano, doon na sila nagdesisyon na idulog ito sa Bombo Radyo Butuan.
Ngunit nang magsadya ang mga reporters ng himpilan sa barangay kapitan ay dito naman nalaman na wala umano silang “firm stand” kung kanilang susuportahan ang nasabing mga kandidato na nasa listahan.