Siniguro ng National Authority for Child Care (NACC) ang pagpapatuloy ng kampanya nito laban sa bentahan ng bata at mga sanggol online.
Panawagan ng ahensiya sa publiko na tulungan itong matuldukan ang naturang problema, lalo na at lumalawak ang aniya’y nagiging banta nito sa buong bansa.
kamakailan kasi ay nagawa ng ahensya na mapigilan ang tangkang pagbebenta sana ng dalawang bata sa Catarman, Northern Samar.
Ayon kay Undersecretary Janella Estrada, kailangan nang makipagtulungan ng publiko sa pamahalaan upang matigil na ang ganitong modus. Hinikayat din ng opisyal ang publiko na sa halip na makibahagi o suportahan ang bentahan ng bata ay nakabubuting ireport na lamang ito sa pamahalaan.
Hindi aniya katanggap-tanggap na ibenta ang isang bata o sinumang indibidwal, kasama na ang pag-abuso sa kanila o paggamit sa kanila para lamang sa pansariling interes.
Hinimok rin ng opisyal ang publiko na huwag tangkilikin ang iligal na pag-aampon dahil sa ito ay mapanganib sa buhay ng isang bata, maliban pa sa posibleng ligal na problemang kakaharapin.
Samantala, nagbabala naman ang opisyal sa mga mamamayang masasangkot dito na hindi sila mag-aatubiling kasuhan ang mga mahuhuling tumatangkilik nito.
Inihalimbawa ni Estrada ang nilalaman ng RA 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 kung saan maaaring parusahan ang mga mapapatunayang lalabag dito ng habangbuhay na pagkakakulong at multa na mula P2 million hanggang P5 million.