-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang mga lider ng Nacionalista Party kay Speaker Martin Romualdez at sa 2025 legislative agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasabay ng pagkilala sa kanilang pamumuno at pagnanais na maging produktibo at nagkakaisa ang bansa.

Ayon kina Las Piñas City Rep. Camille Villar, Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, at Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, akma ang mga prayoridad ng 19th Congress sa agenda ng Bagong Pilipinas na magbibigay katiyakan na ang mga hakbang ng lehislatura ay nakatuon sa mga kinakailangan ng bansa tulad ng pagpapa-unlad ng ekonomiya, institutional reforms, at pagpapabuti sa kabuhayan ng mga karaniwang Pilipino.

Ipinunto naman ni Villar na ang paraan ng pamumuno ni Speaker Romualdez, na nagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga partido, ay naging susi upang makamit ang mga layunin sa lehislatura at higit pang mga tagumpay.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, naaprubahan sa Kamara ang 27 sa 28 priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang Anti-Financial Accounts Scamming Act, VAT on Digital Transactions, at Self-Reliant Defense Posture Act.

Kinilala rin ng mga lider ng NP ang pakikipagtulungan ni Speaker Romualdez sa mga miyembro ng Kamara, kaya’t naaprubahan ang 60 sa 64 na mahahalagang batas sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA). Kabilang na dito ang SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund Act, at Regional Specialty Hospitals Act.

Sinabi ni Villar, ang lahat ng ito ay naisakatuparan dahil sa pagkakaisa ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez.

Idinagdag pa ni Barbers na ang kanilang partido ay lubos na sumusuporta sa direksyong itinakda nina Speaker Romualdez at Pangulong Marcos ngayong 2025.

Pinuri rin ng mga opisyal ng NP si Speaker Romualdez sa pagbibigay prayoridad sa mga panukalang batas na tumutugon sa mga pangunahing problema ng bansa, tulad ng pagbangon ng ekonomiya, seguridad sa pagkain, at pampublikong kalusugan.

Tiniyak din ng Nacionalista Party ang patuloy na pakikipagtulugan kina Speaker Romualdez at Pangulong Marcos Jr. upang tiyakin na ang legislative agenda ay magsilbing gabay para sa patuloy na pag-unlad at mas magandang kinabukasan para sa lahat ng mga Pilipino.