BUTUAN CITY – Nagpunta sa lalawigan ng Surigao Del Sur ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga upang kumpirmahin ang mga impormasyon kaugnay sa mga properties ni Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Inc. founder Joel Apolinario na nakapangalan sa mga dummies.
Kasama na rito ang isla sa bayan ng Lingig kung saan siya nadakip na pag-aari ng mayor at ang 100-ektaryang niyugan sa bayan ng Hinatuan na umano’y nakapangalan sa kanyang tenant.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni CIDG-Caraga regional chief Col. Cholijun Caduyac, nagsagawa sila ng financial investigation at nakumpirmang may apat na mga properties si Apolinario na ipinangalan niya sa mga dummies.
Kasama na rito ang wood processing plant sa Agusan Del Sur na nabili niya mula kay Vice Governor Samuel Tortor kung kaya’t pinadalhan nila ito ng sulat.
Gayundin ang management ng wood processing plant bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Nandyan din ang 2,000-metro kwadradong compound na may nakapaskil na under investigation dahil nakapangalan ito sa miyembro ng board of directors ng KAPA.
Irerekomenda nila ang pagpe-freeze sa mga properties ni Apolinario upang maibenta nang sa gayon ito ang gagamiting pambayad sa mga KAPA investors na walang nakuhang pay-out nang mabulabog ang operasyon nito.