CEBU CITY – Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-7) ang isang netizen dahil sa Facebook post nito laban kay Presidente Rodrigo Duterte.
Ayon CIDG-7 deputy regional chief Maj. Ronald Allan Tolosa sa panayam ng Bombo Radyo Cebu, kinilala ang suspek na si Maria Catherine Ceron sa Sitio Tumoy, Ibabao Cordova, Cebu.
Ayon sa Facebook account ng isang Ma. Enirethac Norec na pagmamay-ari umano ng suspek, magbibigay ng P75 million ang kanilang grupo sa sinumang makakapatay kay Pangulong Duterte.
Inihayag pa nito ang galit sa Pangulo dahil sa pag-abuso umano sa pondo ng gobyerno.
Samantalang depensa naman ng suspek na na-hack umano ang kanyang account at iba ang gumagamit at saka nag-post sa naturang pagbabantabanta.
Inimbestigahan na ng otoridad ang naturang insidente samantalang inaalam na rin kung may ugnayan ba ang suspek sa mga naunang naaresto na may kahalintulad na kaso.
Nakakulong na sa detention facility ng CIDG-7 ang suspek samantalang inihanda na ang kasong kakaharapin nito.
Kung maalala una na ring naaresto ng NBI ang nagbiro rin na teacher sa Pangasinan na nag-alok naman ng reward na P50 million at isa rin ang dinampot na nagmula naman sa Aklan.