KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang fundraising activity sa buong mundo para sa mga naulilang pamilya ng pitong dragon boat paddlers na namatay nitong Miyerkules ng umaga sa baybaying sakop ng Barangay Manoc-Manoc sa Boracay.
Ang pondong malilikom ay gagamitin para sa pagpapalibing ng mga biktima at pag-transport sa kani-kanilang mga bangkay.
Karamihan sa mga biktima ay nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at nagtatrabaho lamang sa isla.
Kasama sa mga namatay na paddlers ng Boracay Dragon Force team nang tumaob ang kanilang bangka habang nagsasagawa ng routine training ay sina Mark Vincent Navarrete, Rose Antonette Supranes, John Vincent Natividad, Comar Acob, Richel Montuya at ang mag-asawang Johann Tan at Maricel Tan.
Ang mag-asawang Johann at Maricel ay may isang anak na lalaki na si Joaquin na ayon sa kanya, kahit na palaging wala ang kanyang mga magulang dahil sa mga sinasalihang international competition ay hindi nagkulang ang mga ito sa kanya sa pagpaparamdam ng kanilang pagmamahal.
Ang pagsisisi lamang umano niya ay hindi niya napasalamatan ang mga ito bago sumakabilang-buhay.
At kahit namatay na aniya ang kanyang mga magulang sa paglubog ng dragon boat, balak pa rin niya na sundan ang yapak ng mga ito bilang mga paddlers.
Sa kasalukuyan ay nauwi na sa Maynila ang bangkay ng mag-asawa.