-- Advertisements --

Pinabulaanan ng South Korean firm na Miru Systems Co. Ltd na itinuturing na nag-iisang bidder sa 2025 automated elections system, ang mga paratang na hindi maganda ang performance nito sa mga halalan sa ibang mga bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng kompaniya na walang katotohanan ang paratang ng election failure laban sa kanila.

Ito ay matapos magpahayag ng pagkabahala ang election watchdog sa track record ng Miru.

Ayon kasi sa Democracy Watch Philippines, may mga naiulat na manipulasyon ng boto at pagpalya sa kanilang voting machines .

Katwiran naman ng kompaniyang Miru na ginagamit ng Iraq at ng Democratic Republic of Congo ang kanilang mga makina mula noong 2018 at patuloy na nagpapakita ng tiwala sa kanilang teknolohiya.

Saad pa niyo na binanggit aniya ng Iraqi Prime Minister mismo ang matagumpay na pagsasagawa ng pinakahuling halalan noong 2023.

Binanggit din ng Miru ang sertipikasyon na ibinigay ng Commission Electorale Nationale Independante (CENI) ng Congo dahil nasiyahan umano ito sa kagamitan ng Miru.

Samantala, una ng tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na dadaan sa mahigpit na proseso ang joint venture sa post qualification evaluation upang matiyak na may kakayahan ito sa paghahatid ng mga kailangan para sa mga susunod na halalan.

Top