BAGUIO CITY – Nakapagtala na ng kaso ng COVID-19 ang Mountain Province na natitirang lalawigan mula sa anim na lalawigan ng Cordillera na COVID-19 free sa mga nakaraang linggo.
Ayon kay Mountain Province Bonifacio Lacwasan Jr., ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa kanilang lalawigan ay isang 19-anyos na lalaki na residente ng Suquib, Besao.
Aniya, ang nasabing COVID patient ay close contact ng COVID-19 positive na pulis na bumisita sa bayan ng Besao noong June 6.
Natapos na rin aniya ng Besao Task Force on COVID-19 ang contact tracing kung saan kasalukuyan ng naka-isolate ang 22 na close contacts ng kanilang kauna-unahang COVID patient.
Isinailalim na rin sa swab test ang mga nasabing indibidual.
Mahigpit na rin ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan doon para maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus sa kanilang lalawigan.
Sa ngayon, aabot na sa 101 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa rehion Cordillera kung saan lahat ng lalawigan nito, kasama na ang Baguio City ay nakapagtala ng COVID-19.