LEGAZPI CITY – “Answered prayer” kung ituring ng ranked 2 sa katatapos pa lamang na September 2019 Electrical Engineer Licensure Examination ang nakamit na tagumpay.
Pagbabahagi ni Gerald Mier, cum laude graduate ng Bicol University sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, napaiyak umano ang buong pamilya sa labis na katuwaan nang mabatid ang resulta kagabi.
Makapasa lang aniya sa exam ang kaniyang ipinalangin sa Panginoon kaya’t laking pagkabigla at pasasalamat sa bonus na pag-akyat sa ikalawang pinakamataas na pwesto ng passers sa 92.05% exam rating.
Bata pa lang daw mahilig na si Mier sa pagkalikot ng mga electrical equipment at installation ng koryente dahil sa amang electrician habang manikurista naman ang ina.
Bunso si Mier sa anim na magkakapatid at nag-iisang lalaki ayon sa nakatatandang kapatid nito na dati ring Bombo Radyo anchorman na si April “Abrilata” Mier.
Aminado naman ito sa malaking pressure sa pagkuha ng board exam lalo pa’t kilala ang pinagmulang pamantasan sa pag-produce ng mga topnotchers sa board exams, habang scholar din ito ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa anunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) nasa 3,285 sa aabot na 5,000 ang kumuha ng pagsusulit ang pumasa bilang Registered Electrical Engineers.