-- Advertisements --
Boracay accident

(Update) KALIBO, Aklan – Nag-panic umano ang mga turistang Chinese nang hampasin ng malakas na hangin at alon ang sinasakyan nilang bangka kaya ito tumaob sa baybaying sakop ng Sitio Diniwid, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.

Sinabi ni Senior Chief PT Officer Dominador Salbino ng Philippine Coast Guard (PCG) Caticlan sa interview ng Bombo Radyo na ito umano ang lumabas sa kanilang paunang imbestigasyon na ikinasawi ng isa habang tatlo ang sugatan na pawang mga Chinese nationals.

Nilinaw nito na 28 katao ang sakay ng MB Jovelyn 1 na kinabibilangan ng 23 Chinese nationals, dalawang Filipino tour guide at tatlong crew na inilayag ng boat captain na si Jemir Fernando.

Nasa 200 meters pa lamang mula sa shoreline ang pinangyarihan ng insidente kaya kaagad napansin ang paghingi ng tulong ng mga biktima.

Sa kasalukuyan ay patuloy na ginagamot sa Aklan Provincial Hospital ang tatlo habang nagpapahinga na sa kanya-kanyang hotel ang 19 na iba pang mga turista na nakaligtas sa nasabing insidente.