BUTUAN CITY – Aminado ang nag-viral na med tech ng Adela Serra Ty Memorial Medical Center ng Tandag City, Surigao del Sur na nakaramdam din siya ng kaba at takot noong kinunan siya larawan ng kanyang kasamahang si Stefan Balani, noong nakitang lumalaki na ang apoy sa kabilang hospital complex.
Ngunit mas pinili niyang pakalmahin ang kanyang sarili at iniiisip ng mabuti ang nararapat niyang gawin lalo na’t nasa kalagitnaan na siya ng kanyang tinatrabahong cross-matching para sa dugong i-aabuno sa bagong silang pa lang na sanggol dahil sa unti-unti na itong nawawalan ng dugo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Jeia Gungue na noong madeklara na ang fire-out ay pina-follow-up kaagad sa kanya ng taga-Newborn ICU ang resulta ng kanyang trabaho kung kaya’t na-abunuhan kaagad ng dugo ang 6-na araw pa lang na bata.
Samantala inihayag naman ng photo uploader na si Stefan Balani na ang pagpapa-boost lamang sana sa self-trust nitong panahon ng pandemya ang nais lamang sana niyang ipakita nang mamataang itinuloy pa rin ni Jeia Guingue ang kanyang trabaho sa kabila ng lumalaking apoy .
Nais lang din umano niyang ma-inspire sa kanilang mga kasamahan sa trabaho at mga kaibigan na kahit na sa ganitong panahon, ay mayroon pa palang mga taong dedicated sa kanilang trabaho, sa kabila ng posibilidad na mailagay sa alanganin ang kanilang buhay.