NAGA CITY- Kinumpirma ng City Veterinarian na isasailalim sa dalawang linggong lockdown ang Naga City Abbattoir.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Junius Elad, sinabi nito na ito ay matapos magkaroon ng banta ng African Swine Fever (ASF) sa naturang pasilidad nang may makapasok na mga baboy mula sa San Fernando, Camarines Sur.
Aniya, mahigpit na pinagbabawal ang pagtanggap ng mga baboy na kakatayin sa loob ng abbatoir lalo na ang mula sa mga lugar na nasa red zone areas.
Ngunit noong nakaraang araw, bigla na lamang umanong may dumating na mga baboy mula sa San Fernando.
Ayon kay Elad, kumpleto naman ang mga dokumento ng may-ari ngunit kailangan pa rin umanong sumunod sa proseso at mag-ingat upang hindi na muling magkaroon pa ng kaso sa lungsod.
Samantala, tiniyak naman nito na pagkatapos ng dalawang linggo ay muling makakabalik sa normal ang operasyon sa slaughterhouse.