Nangunguna umano ang Naga City sa may pinakamataas na monthly crime rate sa buong bansa.
Ito ay batay sa data ng Philippine National Police (PNP) sa unang quarter ng taong 2018.
Sa inilabas na istadistika ng Crime Research and Analysis Center ng PNP Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) ang Naga City ay may 273.83 average monthly crime rate mula noong buwan ng Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon.
Paliwanag naman ni PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao, na ang crime rate ay “inversely proportional sa total number of population.”
Ibig sabihin kapag mas marami ang tao mas mababa ang crime rate at kapag kokonti ang populasyon mas malaki ang crime rate.
“Ito kasing crime rate, whether monthly average or annual, computed based on 100,000 population. So, regardless kung saan ka man, basta’t yung lugar na yon, may 100,000 population, pwede mong ma-compute iyung kanyang crime rate,†paliwanag ni Bulalacao.
Pangalawa sa listahan ay ang Mandaue City na may 214.71, sumusunod ang Pasay City na may 136.26, Iloilo na may 133.97, Cebu (129.30) Makati City (128.02) at Mandaluyong (119.91).
Habang ang Ormoc City, ay may pinaka mababang average monthly crime rate na may 15.06, sumunod ang Cotabato City na may 17.75, Puerto Princesa na may 21.50, Angeles City na may 26.12, Olongapo City may 26.65 at Davao City na may 26.71.
Sa kabilang dako, pang-10 naman sa ranking ang Quezon City sa average monthly crime rate subalit nangunguna ito sa 10 siyudad na may pinakamataas na bilang ng walong focus crimes sa unang quarter ng 2018.
Ang walong focus crimes ay nakatutok sa anti-criminality campaign ng gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at motornapping.
Nangunguna naman ang Quezon City sa bilang ng mga kaso gaya ng rape, physical injury, robbery, theft at carnapping of motorcycles.
Giit ni Bulalacao na expected na kasi na mas marami ang crime incidents sa Quezon City dahil sa mas marami ang population ito.
“Kaya mataas yung crime rate dito sa Naga City, kasi mas mababa kung ikukumpara natin sa Quezon City, na mas mababa ang kanyang crime rate despite significant number of crime volume in Quezon City is because of population. Mas konti ang population sa Naga City compared sa QC,†paglilinaw pa ni Bulalacao.