Nanindigan si Sen. Panfilo Lacson na walang puwang ang maling mga impormasyon sa pagsisikap ng pamahalan na makakuha ng COVID-19 vaccine para sa mga kababayan natin, ngayong may pandemya.
Ayon kay Lacson, sinumang nagbigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng “fake news” na kasama ang Pilipinas sa hindi bebentahan ng European Union (EU) ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca ay kailangan mapanagot.
Matatandaang nilinaw ng kinatawan ng EU ang isyu at sinabing mapagbebentahan ang Pilipinas ng nasabing bakuna.
Sinabi ni Lacson na hindi nararapat ang pagbibigay ng impormasyon sa Pangulo na maaaring magbunsod ng kalituhan sa pagitan ng Europa at ng ating bansa.
Ayon sa senador, makabubuting magbitiw ang sinumang nagsabi ng mali sa punong ehekutibo upang maisalba tayo sa malaking kahihiyan.
Hindi aniya kabute ang presidente na itinatago sa dilim at binibigyan ng sari-saring basurang impormasyon.