CENTRAL MINDANAO – Lomobo pa ang bilang ng mga sibilyan na lumikas sa kalat-kalat na sagupaan nang naglalabang grupo sa probinsya ng Cotabato.
Takot pa rin ang mga bakwit na bumalik sa kanilang tahanan sa mga liblib na Barangay ng Pikit Cotabato at hangganan ng Pagalungan, Maguindanao dahil sa presensya ng mga armadong grupo.
Ayon kay Toks Omar na isang bakwit na kahit nagkasundo na ang dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) ng tigil putukan takot pa rin silang bumalik sa kanilang tahanan dahil nasa paligid lamang ang mga armadong kalalakihan.
Siyam na kabahayan ang sinunog ng mga naglalabang grupo at anim umano ang nasawi ngunit hindi pa makumpirma ng mga otoridad.
Unang nagpulong ang GRP/MILF Coordinating Committee on Cessation of Hostilities, Joint Adhoc Action Group, militar, pulisya at mga lokal opisyal sa 602nd Brigade Headquarters sa Camp Lucero Carmen, North Cotabato kasama ang mga lider ng naglalabang mga field Commander ng MILF at MNLF.
Nagkasundo ang magkabilang panig para sa tigil putukan at pag-usapan sa mapayapang negosasyon ang kanilang personal na alitan sa harap ni 602nd Brigade commander B/Gen Roberto Capulong.
Sa ngayon ay patuloy na namamahagi ng tulong sa mga bakwit sina Pikit Mayor Sumulong Sultan, board member Dulia Sultan at Pagalungan, Maguindanao Mayor Salik Mamasabulod, Vice-Mayor Abdilah Mamasabulod sa mga sibilyan na naipit sa engkwentro ng dalawang Moro fronts.