-- Advertisements --

Hindi umubra ang pagkabeterano nina Kevin Durant at Kyrie Irving nang masilat ang Brooklyn Nets ng Washington Wizards sa iskor na 123-122.

Kapwa kasi nagmintis ang dalawang tira ng dalawang superstar sa huling segundo ng laro.

Una rito habang may 14.9 seconds ang nalalabi sa fourth quarter nagawang maipasok ni Thomas Bryant ang go-ahead dunk para sa huli nilang 123 puntos.

DURANT IRVING 1

Sa sumunod na tagpo sa final six seconds naunang nag-shoot si Irving pero sumablay, nakuha naman ni Durant ang bola para sa jump shot pero nagmintis din hanggang sa magtapos na ang oras.

Nanguna sa Wizards si Bradley Beal na may 27 points at 10 rebounds.

Malaking tulong din ang ginawa ni Russell Westbrook sa Wizards nang magposte ng 24 points at 10 assists.

Nasayang din ang ginawang 30 points at 10 assists ni Irving habang si Durant ay nagtapos naman sa 28 points, 11 rebounds at seven assists.

Aminado naman si Durant sa marami niyang turnover na umabot sa anim.

Sa ngayon meron ng dalawang panalo ang Wizards habang ang Nets ay natikman ang ikaapat na talo mula sa pitong laro.