CENTRAL MINDANAO – Nagnegatibo na sa pinakahuling swab test sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang 19-anyos na estudyante sa Davao City na residente ng M’lang, Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni M’lang Vice Mayor Joselito Piñol sa pagsasabing negatibo na ang resulta ng latest swab test ng estudyante.
Una rito, nakisakay ang binata sa ambulansya ng LGU mula sa Davao City pauwi sa bayan ng M’lang.
Nang lumabas ang unang swab test ng estudyante ay nagpositibo ito sa COVID-19.
Agad isinailalim ang mga sakay ng ambulansya sa 14 day quarantine na kinabibilangan ng driver, doctor, dalawang nurse at tiyuhin ng binata na kinunan ng swab test ngunit nagnegatibo ito sa nakakahawang sakit.
Una nang naging kontrobersyal ang isyu ng pagsakay ng binata sa ambulansya dahil nilabag nito ang mga umiiral na alituntunin kontra COVID.
Masaya naman ang mga residente ng M’lang at nawala ang kanilang pangamba ng magnegatibo sa latest swab test ang estudyante.
Sa ngayon ay zero positive case na sa COVID-19 ang bayan ng M’lang.