CEBU – Napuno ng pasa sa katawan ang lalaking nagpakilalang ‘reporter’ sa isang radio station matapos na tinangay ang dalawang manok sa Barangay Buhisan, lungsod ng Cebu.
Kinilala ang suspek na si Harvey Alfar, residente ng Sitio Sto. Niño, Barangay Quiot, lungsod ng Cebu.
Sa panayam ng Bombo News Team kay Police Staff Sergeant Benjamin Maglahus, ang imbestigador ng Pardo Police Station, sinabi nitong base sa kanilang imbestigasyon, nagkasundo ang suspek at ang biktima na si Edgar Tampos, na bilhin ang dalawang manok pansabong sa halagang P3,500 kada isa.
Ayon kay Maglahus, nang makuha na ni Alfar ang mga manok ay may tinuro itong bahay kung saan kukunin nito ang pambayad, ngunit makaraan ang iilang oras ay hindi na nagpakita ang suspek.
Na-trace ang nasabing suspek nang pinost nito ang dalawang manok sa kanyang Facebook at ginawang ‘for sale’.
Agad na natunton ng mga pulis ang suspek at nasa kustodiya na ngayon ng Pardo Police Station habang kasong ‘estafa’ ang kakaharapin nito.