Hinuli at tiniketan ang nagpakilalang security detail ni dating Senator Manny Pacquiao matapos iligal na dumaan sa EDSA Busway dakong hapon nitong Linggo, Pebrero 9.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Transportation’s Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) na gumamit ang itim na Toyota van na sinusundan ng 2 pang sasakyan ng hindi awtorisadong blinkers at sirena habang binabaybay ang busway.
Sa ibinahaging video ng ahensiya, nakiusap ang sakay ng sinitang van na itabi ang kanilang sasakyan para sa maayos na pag-isyu ng ticket.
Pero nang pinayagan ng traffic official ang mga ito, agad silang tumakas kasama ang 2 pang sasakyan.
Nanguna sa pagtakas ang black Suburban SUV na walang license plate sa likod. Pero kalaunan ay bumalik din aniya ang itim na van at tinanggap ang ticket para sa hindi pagsunod sa traffic signs at iligal na paggamit ng blinkers.
Nagbunsod naman ito ng imbestigasyon sa parte ng SAICT at inendorso sa Land Transportation Office (LTO) para sa show cause order.
Samantala, ipinaliwanag naman ng security head ni Pacquiao na si Jojo Cagumay sa isang statement na walang alam ang dating Senador sa insidente at inako ang buong responsibilidad sa nangyari.
Sinaway na niya ang sangkot na driver at inutusang bumalik, humingi ng tawad, at tanggapin ang tiket.
Iginiit nito na hindi nila kinukunsinti ang anumang pagwawalang-bahala sa mga batas trapiko at humingi din ng paumanhin sa insidente at sisiguraduhin umano nilang hindi na ito mauulit.
Sinabi din ni Cagumay na pinaalalahanan sila ng dating Senador na sumunod sa mga regulasyon sa trapiko at tiniyak na nagsasagawa sila ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.