Nakikita ng Metropolitan Manila Development Authority na posible umanong may kasabwat sa loob ng ahensya ang lalaking nagpanggap na empleyado upang mangutong sa naimpound na sasakyan.
Kahina hinala umanong alam nito ang mga impormasyon na ang ahensya lamang ang nakakaalam dahil ito ay mga pribado.
Sa ngayon raw ay patuloy ang imbestigasyon upang matukoy sakali mang mayroon talaga itong kasamahan na mula sa Metropolitan Manila Development Authority Office.
Binigyan diin pa ni Chairman Artes, na kinokondena ng ahensya ang ganitong gawain mapaempleyado man o hindi.
Kung maaalala, naimpound ang isang commuter van dahil sa ito ay colorum noong Abril 27 at dinala sa Tumana impounding site.
Tinawagan raw nitong nagpapanggap na empleyado ang complainant at sinabing kailangan nitong magbayad ng 15,000 pesos kada buwan upang hindi ma apprehend ang sasakyan.
Nauna na umanong magbayad ng 7,500 pesos ang complainant sa kinilalang modus na si Jacob Arellano.
At sa pangalawang pagkakataon ay nagbayad ulit ng kalahati ang complainant nitong Mayo 16.
Ngunit, hindi pa ito nakontento at humingi pa ng karagdagang 15,000 pesos upang marelease ang nauna nang maimpound na van.
Dahil dito humingi na ng tulong ang complainant sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority at doon nga ay nagsagawa ng entrapment operation kasama ang Quezon City Police District.
Haharap ang suspek sa dalawang kaso na inihain laban sa kanya.