Plano raw ng bagong upong Manila City Mayor Isko Moreno na sampahan ng reklamo ang sino mang mapapatunayang nagpapakalat ng pekeng class suspension sa siyudad ngayong panahon ng tag-ulan.
Nitong umaga nang ianunsyo ni Moreno ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Maynila mula mamayang ala-12:00 ng tanghali.
Pero bago nito, nilinaw ng alkalde na lahat ng class suspension announcements sa siyudad ay ia-anunsyo lang sa pamamagitan ng kanyang opisyal na social media account at Manila Public Information Office.
Aminado si Moreno na may ilan pa ring hindi matanggap ang kanyang pagkapanalo laban kay dating Mayor Joseph Estrada kaya nanawagan itong mag-move on na at isantabi ang issue ng pulitika sa mahahalagang desisyon ng lokal na pamahalaan.
“May mga ilang indibidwal pa na hindi naka-move on sa pulitika. Kami naman nananawagan, isantabi na nyo po ang pulitika at nakakaawa naman yung taumbayan,” ani Moreno.
Ngayon ang unang araw ni Isko sa kanyang termino matapos matalo sa nakaraaang halalan si Estrada na matagal namuno sa Maynila.
Kasabay nito nangako si Moreno na lilinisin ang mga kalsada ng siyudad pati na ang mga illegally parked na mga sasakyan sa loob ng dalawang araw.
“Lahat ng kalsada sa buong Maynila ay dapat magamit ng mga batang Maynila at mga pumapasyal sa lungsod ng Maynila. Bigyan mo akong 48 hours.”