-- Advertisements --

CEBU CITY – Labis ang pasasalamat ng isang pamilya sa pagkakaligtas ng kanilang kaanak na kabilang sa mga nailigtas mula sa lumubog na cargo vessel sa karagatang sakop ng Japan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mesael Sareno, kapatid ng chief officer ng Gulf Livestock 1 na si Eduward Sareno, sinabi nitong nagulat sila sa balita noong Setyembre 2 na lumubog ang sinakyang barko ng kanyang kapatid.

Huminga na lang umano ito nang malalim sapagkat hindi nila alam kung buhay ba si Eduward.

Emosyonal na sinabi ni Mesael, na isa ring seaman, na habang nakasakay ito sa isa namang tanker vessel, labis ang pagkabahala nito para sa kanyang kapatid.

Maging ang pamilya ni Eduward, na nasa Brgy. Luka, Oslob, Cebu, ay labis din ang pagkagulat sa insidente.

Nang malaman ni Mesael na na-rescue ang kanyang kapatid at nang makita nito ang video ng pag-rescue, hindi umano nito nakayanang tingnan ang kapatid na namumutla na dahil rin sa tagal na nakababad sa dagat.

Naniwala naman si Mesael na kayang iligtas ng kapatid ang sarili dahil minsan na rin itong naging mangingisda pero hindi parin nito maiwasang mabahala.

Nagpasalamat sa Panginoon si Mesael sa pangalawang buhay ni binigay nito sa kanyang nakababatang kapatid.