-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Naaresto ang isa mga suspek na nagpaputok sa mga pulis na nagpatrolya sa Barangay Tibpuan, Lebak, Sultan Kudarat.

Nakilala ang nahuling suspek na si Samirudin Pulayagan Solaiman, 22, binata at nakatakas naman si Nassep Maguid Macalatas.

Ayon sa ulat ng Lebak PNP nangyari ito habang nagpapatrolya sila sa hangganan ng Barangay Poblacion 3 at Barangay Tibpuan sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.

Gumanti ng putok at hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang mahulog sa kanal ang sinakyan nilang motorsiklo.

Nahuli si Solaiman na siyang nagmaneho ng motor habang nagawang tumakas ni Macalatas.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng caliber .45, isang bala ng caliber .45, tatlong basyo ng caliber 5.56MM, isang basag na relo, isang Honda 125 motorcycle na walang plate number at mga papeles.

Wala namang nasaktan sa nangyaring putukan maliban lamang sa bintana ng isang bahay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Lebak Municipal Police Station (MPS) sa naturang pangyayari.