-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaasa ang local government unit (LGU) ng Lake Sebu, South Cotabato na hindi na maulit pa ang ginawang panghaharass ng grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF-BIAF) sa tropa ng gobyerno na nagsasagawa ng patrolya sa kanilang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Floro Gandam, hinarass at pinapiutukan umano ang grupo ni Sgt. Rey Dallapas ng Philippine Army at siyam na miyembro ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) habang nagsasagawa ng regular na combat clearing patrol sa Kisayan, Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Ayon kay Mayor Gandam, nangyari ang pagpapaputok makaraang inalis ng tropa ng gobyerno ang nakakabit na tarpaulin ng MILF-BIAF sa lugar.

Agad umanong umatras at bumalik sa Barangay Ned Proper ang mga ito.

Itinuturo naman ang mga tauhan ni Barrientos Biaw, Battalion Commander sa ilalim ni Esmael Binago alyas Bundi, Brigade Commander ng 13th Biwang Brigade, Foreign Affairs ng MILF-BIAF na siyang may kagagawan ng panghaharas.

Masuwerte na lamang at walang may nasugatan sa tropa ng gobyerno.
Sa ngayon, nais na makipagdayalogo ng LGU-Lake Sebu sa nasabing grupo upang hindi na maulit pa ang insidente.