ROXAS CITY – Itinuturing na vandalism ng consultant ng sports and business affairs office ang pagpinta ng malaking larawan ni Senator Manny Pacquiao sa likurang bahagi ng pader ng Villareal Stadium sa Roxas City dahil hindi nagpaalam sa lokal na gobyerno ang nanguna sa pagpinta nito.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Mrs. Carmen ‘’Baby’’ Andrade, sinabi nito na paiimbestigahan niya kung sino ang tatlong lalaki na umano’y nakita ng ilang mga saksi na nagpinta ng larawan ni Pacquiao para mapasagot sila sa kanilang ginawa na hindi humingi ng permiso sa gobyerno
Ayon kay Andrade na hindi basta na lamang pahihintulutan ang sinuman na magpinta ng kanilang gugustuhin dahil lalabas na wala na silang disiplina.
Ipinaalala rin ni Andrade na pagmamay-ari ng gobyerno probinsiyal ang Villareal stadium kaya dapat lamang na mga Capizeño athletes ang ipipintang larawan at hindi kay Pacquiao na hindi isang Capizeño.
Pinasinungalingan din ng nasabing consultant na may bahid politika ang kanyang reklamo dahil inindorso ni Pacquiao ang kandidatura ni Governor-elect Esteban Evan Nonoy Contreras ng nagdaang eleksyon na kilalang mahigpit na kalaban sa gubernatorial position ni outgoing Governor Antonio del Rosario na kapatid ni Mrs. Andrade