GENERAL SANTOS CITY – Nilinaw ng Business Permits and Licenses Division (BPLD) ng local na pamahalaan sa lungsod na hindi umano nila ginigipit ang mga investment schemes na naglipana sa GenSan.
Ito ay kasunod nang isinagawang inspection ng BPLD division head Geraldine Zamora kasama si city PNP director Col. Aden Lagradente, ang hepe ng General Santos City Police Office, kaugnay sa sinasabing investment schemes.
Layon ng inspeksyon upang matukoy kung mayroon bang sapat na dokumento ang mga ito at malaman kung ligal bang nag-o-operate sa lungsod.
Kabilang sa mga ininspeksyon na investment group sa lungsod ay ang Munificence Ministry na nag-aalok ng 45%; Act of Charity Consumer Goods Trading sa J. Catolico Avenue, Lagao na 37% ang ibinabalik umanong interes; Family First sa Mabuhay Road, WBA , Management Consultancy Service; KAPA sa Prk Masunurin, Brgy San Isidro; ang ALAMCCO ngunit sarado na nang pinuntahan ng mga otoridad.
Habang ang sinasabing mahigpit umanong karibal ngayon ng KAPA na NMC Trading sa Purok Malakas dahil sa alok nitong interes na aabot umano ng 400% return of investments ay kabilang rin sa ininspeksyon.
Una rito, mistulang nagkaroon na ng agawan ng mga investors ang pagdami ng investment scheme sa South Central Mindanao.
Isa sa nakakaramdam na ng epekto ng unti-unting pagbawas ng mga investors ay ang KAPA na iligal na nag-o-operate base sa Securities and Exchange Commission (SEC) sa South Cotabato at iba pang kalapit na probinsya.
Napag-alaman na nagsisilipatan na ang maraming investors ng KAPA sa panibago na namang investment scheme na hinigitan ang 30% na kanilang tubo.