Hangad ni dating Sandiganbayan Justice Harriet Demetriou na mapanagot sa batas ang sinumang nagtatangkang palayain mula sa pitong bilang ng habambuhay na pagkakakulong si convicted rapist at murderer Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Demetriou sa panayam ng Bombo Radyo, malinaw na paglabag sa batas ang anumang pagtatangkang mapalabas sa piitan ang isang taong sangkot sa patung-pating na heinous crime.
Maliban sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pambubugbog naman at pagpatay kay Allan Gomez, nagpabigat pa sa kaso ng dating alkalde ang ginawa nitong pagtatago ng P1.5 kilograms ng shabu sa loob ng rebulto sa New Bilibid Prisons (NBP).
Kaya malaking kalokohan daw na isiping makakalaya pa ang isang katulad ni Sanchez.
Una rito, lumutang ang impormasyon mula mismo sa pamilya ng dating Calauan mayor na nakatakda na sana itong lumaya noong Agosto 20, 2019.
Nakapag-finger print na raw si Sanchez, ngunit naudlot lamang ang paglabas nito sa national penitentiary.