CENTRAL MINDANAO-Tukoy na ng mga otoridad ang mga person of interest sa pamamaril patay sa isang flower vendor sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Teresa Milan Cambal,58 anyos,may asawa at residente ng Barangay Kisante Makilala Cotabato.
Ayon kay Makilala Chief of Police Lieutenant Colonel Jojet Nicolas na sinundo umano ng isa sa mga suspek ang biktima sakay ng motorsiklo para makipagkita sa isang kostumer na bibili ng kanyang mga panindang bulaklak.
Nang makarating si Cambal sa bahagi ng Crossing Relocation, Floortam, Barangay Batasan, Makilala, Cotabato ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi kilalang lalake na nagkunwaring bibili ng bulaklak gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo.
Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng tama ng bala sa mukha at sa kanyang dibdib.
Awayan sa lupa ang tinitingnan na anggulo ng Makilala PNP sa pamamaril patay sa biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.