BUTUAN CITY – Inihahanda na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Caraga ang mga kasong isasampa laban sa dalawang mga drug personalities na nahuli sa inilunsad na drug buy-bust operation kahapon sa Purok 1, Brgy. Sta. Irene, Bayugan City, lalawigan ng Agusan del Sur.
Mga kasong paglabag sa sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 ang kakaharapin nina Octomar Demetrio, 32-anyos, residente ng Brgy. Baan Km. 3, nitong lungsod ng Butuan at Janray Cala, 22-anyos, residente rin ng Purok 5, Brgy. Doña Rosario, sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte.
Ito’y matapos makuha mula sa kanilang posisyon ang 16-kilo ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱108,000,000.00.
Ayon kay Dindo Abellanosa, tagapagsalita ng PDEA Caraga, halos dalawang buwan ang kanilang ginawang surveillance sa naturang mga indibidwal dahil sa pagbebenta ng ilegal na druga.
Ito rin ang pinakamalaking operasyon na kanilang nagawa mula noong 2002.