-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Naipresenta na kaninang umaga sa media ng Police Regional Office (PRO) 13 ang kanilang nahuli kahapon na si Rosanilla Consad alyas Lai, 54-anyos, residente ng Diamond St., B6, L22, Rosewood Plains Subd., Phase 2, sakop ng Brgy. Villa Kananga nitong lungsod at assistant principal ng San Vicente National High School.

Matatandaang bitbit ang arrest warrant na inilabas ng 10th Judicial Region, Municipal Circuit Trial Court, Tubay-Santiago, Agusan del Norte sa kasong attempted homicide na may pyansang P36,000.00, nahuli dakong alas-4:30 kahapon ng hapon si Consad, ang regional Secretary General ng Alliance of Concerned Teacher (ACT) Caraga na wanted sa kasong attempted homicide.

Ini-ugnay si Consad sa pag-atake at pagbaril kina PFC Junrel Cornelio at CAFGU Active Auxiliary Emiliano Sajol, Jr., na mga miyembro ng 29th Infantry Battalion, Philippine Army sa isinagawang combat patrol operation sa Sitio Manhupaw, Brgy. Poblacion 2, sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte nitong November a-21, 2020.

Ayon kay ang PRO-Caraga regional director BGen Jose Caramat Jr., iprenisinta nila sa media si Consad upang ipakita na nasa mabuti itong kalagayan matapos isina-ilalim sa medical examination at inihayag din nitong ibinigay nila sa nahuling akusado ang kanyang karapatan sa ilalim ng konstitusyon ng Pilipinas.