CAUAYAN CITY – Ibinunyag ng isa sa apat na nangholdap sa isang cashier ng construction company sa Solana, Cagayan, na nagkakilala lamang sila sa Pangasinan Provincial Jail sa Lingayen City.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek si Alfred Solis ng Bacnono, Bayambang, Pangasinan, inamin niya na tatlo ang kasama niyang nangholdap sa biktimang si Lorena Carag, 45-anyos mula Tuguegarao City, kung saan siya ang nagsilbing “lookout.”
Sinabi ni Solis na napabilang siya sa grupo ni Kristobal Cristobal na taga-Alaminos City, Pangasinan, matapos siyang sunduin noong araw ng Huwebes at inalok ng trabaho ngunit hindi niya alam na manghoholdap pala sila.
Nang tumakas sila sa checkpoint sa Bugalion Norte, Ramon, Isabela, ay naghiwa-hiwalay sila noong tumakbo sa palayan sa San Miguel, Ramon, Isabela.
Lumaban ang kanyang tatlong kasama na naging sanhi ng pagkamatay nina Cristobal at Alden Francis Regodique ng Cabanglutan, San Juan, Ilocos Sur, habang nakatakas ang kanilang kasama na si Jefferson Tugas.
Kaagad naman daw siyang sumuko sa mga pulis.
Inamin din niya na ang isang M16 armalite rifle, tatlong caliber 45, pitong magazine ng armalite rifle, pitong magazine ng caliber 45, limang handheld radio at mga assorted na bala, iba’t-ibang uri ng wallet at automated teller machine card at mga backpack, ay galing sa napatay na si Cristobal.