LEGAZPI CITY – Malaking panlulumo ang nararamdaman ng naiwang pamilya ng isang lalaking nahulog sa dagat at nalunod sa Barangay 2, Pioduran, Albay.
Salaysay ng mga nakakita sa pangyayari, nahulog mula sa seawall ang pumanaw na si Rustom Dolor, 57-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Joseph Abel Jarabejo, hepe ng Pioduran-Philippine National Police, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na tinangkang abutin at kunin ni Dolor ang nahulog na tsinelas sa dagat.
Subalit na-out of balace ito kaya nalaglag mula sa seawall at tuluyang tinangay ng malalaking alon.
Pinaniniwalaang nakabagok din ang ulo nito sa matigas na bagay sa ilalim kaya hindi agad nakalangoy sa tubig.
Ayon kay Jarabejo, may mga residenteng nakakita sa insidente subalit dalawang oras pa ang inabot ng pag-rescue rito at wala na ring buhay nang mahanap at maiahon sa dagat.