Pinag-iisipan ngayon ni Manila International Airport Authority General Manager Eric Jose Ines na sibakin ang lahat ng mga tauhan ng housekeeping at pest control units ng Ninoy Aquino International Airport.
Kasunod ito ng viral video ng pamemeste ng mga surot at daga naturang paliparan na nagdulot naman ng pangamba sa publiko.
Ayon kay General Manager Ines, sa ngayon ay ipinag-utos na niya ang pagrerebisa sa mga kontrata ng lahat ng mga services sa NAIA.
Pag-amin niya, nagkaroon ng lapses sa panig housekeeping at pest control units ng paliparan pagdating sa pagpapanatili ng kalinisan sa apat na terminal facility ng NAIA.
Dahil dito ay pinag-iisipan niya ngayon ang pagte-terminate sa mga kontrata ng mga ito.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy naman ang pag-apela sa airport management ng mga apektadong empleyado na huwag ituloy ang termination nito at bagkus ay sana ay tapusin na lamang anila ang kanilang kontrata.