CENTRAL MINDANAO-Nagbalik-loob sa pamahalaan ang anim na mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF – Karialan Faction sa punong himpilan ng 1st Mechanized Brigade sa Camp Leono, Brgy Kalandagan, Tacurong City.
Ang anim na mga dating BIFF Combatants ay sumuko kay Lt. Col. Jayson Domingo, ang commanding officer ng 1st Mechanized Battalion.
Sabay din na isinuko ng anim ang bitbit nilang mga armas at pampasabog na kinabibilangan ng isang 60mm Mortar, isang M16A1 Rifle, isang Garand Rifle, isang Cal .30 Carbine Rifle, isang RPG at isang Improvised Explosive Device.
iprenisinta ang dating mga BIFF combatants kay Brigadier General Pedro Balisi Jr, Commander, 1Mech Bde, Armor Div, PA kasama sina Cong. Mohamad “Tong” P Paglas, Representative, 2nd District Maguindanao Del Sur; Atty Cyrus E Torreña, Maguindanao Del Sur, Provincial Administrator; at Mr Roger D Dionisio, Agila Haven Focal Person sa Camp Leono sa isang simpleng programa.
Agad na binigyan ng financial na assistance ang mga sumuko at tumanggap din ng sako ng bigas bilang paunang tulong sa mga ito.
“We are overjoyed to learn that local government entities and the public in the Joint Task Force Central area are committed to playing an active part in the effort to completely exterminate extremist groups. Indeed, our efforts to resolve local terrorism pave the way through the support of our local government units from Maguindanao”, Brig. Gen. Balisi said.
Giit ng mga sumuko na hindi na nila makaya ang gutom at hirap sa pagtakbo at pag-iwas sa tropa ng pamahalaan bukod pa sa nabalitaan nila ang mas pinalakas na armas pandigma ng sundalo na gagamitin laban sa kanila.
“Nais na naming magbagong buhay. Nakikita namin ang panibagong buhay ng mga dating kasamahan namin na una ng nagbalik-loob sa ating gobyerno na mas tahimik at maayos na ang kanilang pamumuhay”, pahayag ng isa sa mga dating ekstremistang grupo.
Ikinagagalak naman ni Major General Roy M Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang pagsuko ng anim. Kasabay nito nananawagan naman ang Heneral sa ilan pang kasapi ng BIFF na magbalik-loob na sa gobyerno at yakapin ang inaalok na kapayapaan ng pamahalaan. “Biktima lamang kayo ng panlilinlang at maling impormasyon, kaya nga nandito ang inyong kasundaluhan at ang ating gobyerno para kayo ay tulungan at maibalik sa tamang landas”, pahayag ni Maj. Gen. Galido.