Inanunsyo ng LTFRB na nagsasagawa na sila ng sariling imbestigasyong hinggil sa isang kaso ng pamamaslang sa loob ng bus sa probinsya ng Nueva Ecija.
Kung maaalala, pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspect ang dalawang biktima habang natutulog sa loob ng bus.
Kaugnay nito ay naglabas na ang kanilang ahensya ng show cause order sa kumpanya ng bus .
Dito ay inaatasan ng LTFRB ang may-ari ng kumpanya ng bus na magpaliwanag hinggil sa karumaldumal na pangyayari na naganap sa loob ng kanilang bus unit.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz III, dalawang bagay ang gusto nilang matukoy.
Una, kung ang naturang bus ay nasa tamang rota na saklaw ng kanyang prangkisa.
Ikalawa, kung maayos ang pagpapatupad ng kumpanya sa kanilang mga polisiya sa seguridad alinsunod sa Memorandum Circular. ng LTFRB.
Giit ni Guadiz, kung maayos na makapagbibigay ng paliwanag ang kumpanya ng bus ay tiyak na wala silang magiging pananagutan sa kaso.
Sakaling mapatunayan sa imbestigasyon na nagkaroon ng kapabayaan ang operator nito ay maaari itong mapatawan ng parusa .
Ito ay maaaring supresyon o permanenteng kansilasyon ng kanilang prangkisa.
Samantala, tiniyak naman ng kumpanya ng bus na sila ay handang makipag tulungan sa isinasagawa rin na imbestigasyon ng PNP.
Handa rin umanong tumayo bilang testigo ang driver ng bus.