-- Advertisements --
BFP2

Mas mababa raw sa 44 percent ang bilang ng fire incident ngayong taon kumpara sa naitala sa parehong period noong nakaraang taon.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mayroong kabuuang 89 fire incidents ang kanilang naitala December 24, 2022 hanggang January 1, 2023.

Sinabi ni Bureau of Fire Protection (BFP) spokesperson Fire Superintendent Analee Atienza, mababa ito kumpara sa 160 na naitala sa parehong period noong nakaraang taon.

Aniya, sa datos ng Bureau of Fire, ang naturang mga sunog ay nagmula sa electrical ignition o sa kuryente at karamihan ay sa residential ang mga fire incidents na ito.

Dahil dito, hinimok ni Atienza sa publiko na laging i-check ang kanilang power lines para maiwasan ang fire incidents sa mga residential areas.

Hinimok din nito ang publiko na maki-coordinate sa Bureau of Fire Protection (BFP) para matukoy ang fire hazards sa kanilang respective areas.

Samantala, sinabi naman ni Atienza na sisimulan na ng Bureau of Fire Protection ang kanilang modernization program ngayong taon.

Aminado naman itong nasa 191 municipalities ang wala pa ring firetrucks at walang activated fire stations.

Noong 2021, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11589 o “An Act Strengthening and Modernizing the Bureau of Fire Protection and Appropriating Funds,” para maging ganap na batas.

Sa pamamagitan nito, hindi na lamang water cannons ang dala ng mga bumbero pero mayroon na rin silang dalang armas.

Sinabi naman ni Bureau of Fire Protection Chief Director Louie Puracan na nakatakda sana silang bumili ng 2,282 firearms para sa kanilang personnel sa 146 cities at 72 regional offices.

Pero hindi naman ito inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa kakulangan ng pondo para sa firearms procurement.

Dahil dito, hiniling ni Puracan sa Department of Budget and Management na bigyan ng otorisasyon ang Bureau of Fire Protection ng P94-million savings mula sa truck procurement para sa pagbili ng firearms na nangangailangan ng P45 million.