Nakakaalarma na umano ang sunod-sunod na mga insidente ng sunog na naitala nitong lungsod ng Cebu ayon sa opisyal ng Bureau of Fire Protection.
Inihayag ni SFO2 Wendell Villanueva na umabot na kasi sa 42 insidente ng sunog na ang naitala sa buwan ng Abril kung saan mas mataas ito kung ikukumpara noong nakaraang taon sa kaparehong period na mayroon lamang 26.
Hinimok ni Villanueva ang publiko na maging mapagmatyag at sinabing ang pag-iwas ng sunog ay responsibilidad ng lahat kaya kailangan din nila ang kooperasyon ng publiko upang mabawasan o maiwasan na magkaroon ng sunog.
Samantala, sinuspinde ng Office of the Building Official (OBO) ang pagtatayo ng condominium na nasunog noong Biyernes habang hinihintay pa ang paliwanag mula sa pamunuan at ang pagsumite ng mga kinakailangang requirements.
Idinagdag pa ni Villanueva na bukas, Abril 21 ang nakatakdang pagdating ng pangkat ng imbestigador mula sa national headquarters upang matukoy kung ano talaga ang totoong dahilan sa nangyaring sunog sa gusali.
Pagtitiyak pa nito na may kakayahan ang mga bumbero dito sa pag-apula ng sunog sa kabila ng limitadong kagamitan kahit sa mga matataas man na gusali.