KALIBO, Aklan – Hinangaan at pinasalamatan ng mga dayuhang Instik ang katapatan ng isang 14-anyos na binatilyo matapos maibalik sa kanilang kasamahan ang isang bag na naglalaman ng mga mahahalagang gamit at pera na nagkakahalaga ng P150,000 sa Kalibo International Airport.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo mula sa airport police, ibinalik ni LJ Alejandro, Grade 9 student kasama ang kanyang ina na si Jean Alejandro at kapwa residente ng Brgy. Pook, Kalibo, Aklan ang naturang bag kung saan, nakita umano ito ng bata sa loob ng public comfort room ng paliparan.
Kaugnay nito, inabutan ng mag-ina ang nagrereklamo turista na si Yihe Yhong, 33 at taga-China kung saan siya umano ang may-ari ng naturang bag.
Sa pagsiyasat ng pulisya sa laman ng bag, nakumpirma na siya ang may-ari at laking pasalamat nito sa mag-ina matapos na naibalik ang kanyang gamit at pera na walang kulang.
Sa tuwa ng turista, binigyan niya ng pabuya ang mag-ina na labis naman nitong pinasalamatan.