-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Legazpi City Police Station sa mga biyahero na ingatang mabuti at bantayan ang mga gamit upang hindi magdulot ng alarma sa publiko.

Ito ay kasunod ng pagkatakot ng ilang residente sa harap ng Calderon Building sa Washington Drive, Brgy. Cruzada, Legazpi City matapos makita ang isang kaduda-dudang briefcase.

Agad naman itong ipinagbigay-alam sa mga otoridad na nagpadala ng team mula sa Explosive and Ordnance Disposal kasama ang isang sniffing dog.

Kaugnay nito, nang inspeksyunin ang naturang brief case, umupo ang aso senyales na may naamoy na positibong kemikal sa nasabing gamit.

Subalit sa pagsasagawa ng “blast in place”, dito napag-alaman na mga cutleries o kutsara at tinidor ang laman ng brief case.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Chief Master Sergeant Guilbern Patacsil Jr., tagapagsalita ng Legazpi City PNP, posibleng may presensya ng bakal o pulbura na naamoy ang aso sa naturang gamit kung kaya umupo ito.

Batay rin sa isinagawang tracking sa brief case, naiwan ito ng may-ari habang dinidiskarga ang mga gamit na inilalagay sa naturang building.

Patuloy rin ang paalala ng opisyal na maging maingat sa mga ganitong sitwasyon lalo na’t concern ng lahat ang usaping pangkaligtasan.