DAGUPAN CITY – Aabot sa humigit-kumulang sa P30,000 ang halaga ng ari-ariang natupok ng apoy matapos masunog ang isang bahay sa may barangay sanchez sa bayan ng Asingan.
Ayon ka Fire Officer 1 (FO1) Arcille Mae Yabut, tagapagsalita ng Asingan BFP ipinagbigay-alam ng tatlong bata na mga pawang nakakita sa nasusunog na bahay ang naturang insidente dakong alas-12:50 ng madaling araw.
Agad naman na nirespondehan ito ng mga bombero at idineklarang fire out bandang alas-1:03 ng madaling araw.
Tumagal ang naturang sunog ng 10 minuto.
Gawa sa light materials o kahoy ang bahay kaya madali itong natupok sa sunog.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon at base na rin umano sa naging panayam ng BFP personnel sa may-ari ng bahay na si Jason Dela Cruz, 37, na wala sila sa bahay nang mangyari ang sunog kasama ang kaniyang maybahay.
Nabatid din umano ng may-ari na naiwang nakasindi na kandila sa kanilang altar ang posibleng pinagmulan ng sunog.
Sa kabutihang palad ay wala namang nasugatan sa nangayaring sunog at patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon para matukoy ang saktong pinagmulan nito.
Samantala, sa datos ng BFP Asingan, panglimang fire incident na ito na naitala sa taong 2019 sa nasabing bayan.