Maaaring pumigil umano kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo na sabihin ang lahat sa pagdinig sa Senado ang kaniyang mga nakabinbin na patung-patong na mga kaso.
Ayon sa abogado ni Guo na si Atty. Stephen David, pinayuhan niya ang kaniyang kliyente na sabihin ang katotohanan subalit ipinaalam din niya sa dating alkalde ang hinggil sa kaniyang constitutional rights kabilang ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination.
Paliwanag ni Atty. David na anuman ang mga sasabihin ng kaniyang kliyente ay maaaring gamitin laban sa kaniya, sa maraming kasong ikinakabit sa kaniya tulad ng multiple counts ng money laundering at human trafficking sa Department of Justice at mga kaso niya sa Ombudsman.
Kayat dilemma aniya sa ngayon kung ano ang maaaring sabihin ni Guo bilang resource person sa pagdinig sa Senado na hindi magdadawit sa kaniya sa mga kasong kriminal.
Kaugnay nito, ipinunto ni Atty. David na mas mainam umanong tapusin muna ng Senado ang kanilang imbestigasyon in aid of legislation at gumawa ng report saka maghain ng kaso base sa kanilang findings.
Hinamon din nito ang mga mambabatas na pakiramdam nila ay nagsisinungaling si Guo sa kaniyang testimoniya na magbigay ng ebidensiya o magpresenta ng resource person na makakapagpatunay na mali o hindi nagsasabi ng totoo ang sinibak na alkalde, bagay na ginawa na ng ilang Senador na aktibong nakatutok sa imbestigasyon ng ilegal na operasyon ng POGOs.
Nakatakda ngang humarap muli sa Senado si Alice Guo sa araw ng Lunes matapos pumayag ang Tarlac court sa request ni Senator Risa Hontiveros na payagang dumalo si Guo sa nagpapatuloy na hearing. Dito, iginiit ni Sen. Hontiveros na ang Senado ang pinakaunang naglabas ng arrest order laban kay Guo na nag-trigger aniya sa manhunt operation sa noon ay nagtatagong si Guo gayundin ang Senate warrant aniya ang bitbit ng law enforcement sa Jakarta nang isilbi ito sa dating alkalde.
Matatandaan nga na noong araw ng Huwebes matapos nadakip sa Indonesia si Guo, nag-isyu ng warrant of arrest ang korte laban sa dating alkalde kaugnay sa criminal cases na inihain ng Ombudsman. Nagresulta naman ito ng conflict sa kung saang kustodiya mapupunta si Guo dahil ang inisyu ng korte na arrest warrant ang mauuna bago ang arrest order na inisyu ng Senado.