BACOLOD CITY – Nagbahagi ng saloobin ang ilang mga Pinoy na nakabalik na sa Pilipinas mula sa Wuhan, China at ngayon ay nasa ilalim ng quarantine sa Athletes Village sa Capas, Tarlac
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Rona Dublar, OFW mula Wuhan at nasa Capas, Tarlac quarantine area ngayon, sinabi nito na hindi aniya kaila sa kanila ang mga pag protesta tungkol sa kanilang pag-uwi ngunit naiintindihan nila ang reaction ng karamihan dahil proteksyon din naman ng lahat ang isinaalang-alang.
Handa naman daw silang gawin lahat ang dapat na pagdaanan dahil hindi lang ito para sa kanila kundi para sa proteksyon ng lahat na nasa Pilipinas.
Dagdag pa ni Dublar hindi sila pinababayaan sa quarantine area, mula sa medical assistance, pagkain at personal na pangangailangan ay suportado sila.
Inamin din nito na nakakaiyak aniya at nakakataba ng puso na hindi nila naramdaman na pinandirihan sila maging ng mga staffs na umaasikaso sa kanila.
Sa ngayon ay hindi sila palaging pinapalabas sa kani-kanilang mga kwarto kung saan meron silang regular checking kada alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon para sa pag-monitor pa rin ng kanilang mga pakiramdam.
Binibigyan din sila ng 24 hour hotline numbers kung saan anumang oras ay pwede silang tumawag ng doktor kung sakaling may kakaibang nararamdaman.
Una nang dumating ang 32 mga OFW mula Wuhan sakay ng chartered plane nitong nakalipas na Linggo ng umaga.