CEBU CITY – Malaki ang paniniwala ng ina ng magkapatid na sina Marijoy at Jacqueline Chiong na nakalaya na sa New Bilibid Prisons ang tatlo sa pitong hinatulang guilty sa pananamantala at pagpatay sa kanyang mga anak.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Thelma Chiong, sinabi nitong maaaring nakalabas na ng piitan sina Josman Aznar, Ariel Balansag, at Alberto Caño.
Ayon kay Chiong, hindi nito alam kung papaano binasa ni Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Nicanor Faeldon ang dokumento ng nasabing mga suspek at basta na lang nitong pinakawalan.
Inihayag ng ina ng mga biktima na hindi ipinaalam sa kanila ang pagpapalaya sa mga pumaslang sa kanyang mga anak.
Kaugnay nito, hinamon ni Mrs. Chiong si Faeldon na palayain na lang ang lahat ng mga kriminal lalong-lalo na ang may maliliit na kaso dahil pinalalabas rin lang naman umano ng BuCor ang mga may nagawang karumal-dumal na krimen.
Nawalan na rin daw ito ng ganang dumalo sa isasagawang Senate inquiry tungkol sa nasabing usapin kung siya man ay aanyayahang humarap sa pagdinig dahil hindi rin naman ulit makukulong ang tatlo.
Sinabi nitong ipapasa-Diyos na lang niya ang lahat at hindi raw mababayaran ang sakit na kanyang dinadala hanggang sa ngayon.
Samantala, eksklusibo sa Bombo Radyo Cebu ay inanyayahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon si Mrs. Chiong na humarap sa pagdinig ng Senado sa Setyembre 2 upang mailabas ng ina ang kanyang mga hinaing sa umano’y pagpalabas ng mga akusado sa pagpatay sa magkapatid na Chiong.
Binigyang-diin ni Gordon na kung pagbabasehan ang batas na Good Conduct Time Allowance (GCTA), hindi maaaring palayain ang mga indibidwal na nakagawa ng mabigat na krimen.