Naghain ngayon ng kanyang kandidatura sa pagka-senador ang kontrobersiyal na nakakulong na si Pastor Joel Apolinario.
Si Apolinario ang founder ng Kabus Padatoon Community Ministry-Kapa.
Ayon sa NBI at sa Securities and Exchange Commission (SEC) noon sinasabing ginamit nito ang grupo para makapagtayo ng pinakamalaking investment scam sa kasaysayan ng bansa.
Kung maaalala maging ang Pangulong Rodrigo Duterte ay inatasan ang CIDG at NBI na ipasara ang mga opisina ng Kapa na nag-o-operate ng investment scam na kahalintulad umano sa kontrobersiyal din noon na Ponzi scam.
Dahil nga sa nakakulong sa Mindanao si Apolinario ipinadala niya ang kanyang kinatawan na isang Bishop Danilo Brioso at Rev. Rey Pablo upang ihain ang certificate of candidacy (COC) sa Comelec na nasa Harbor Tent ng Sofitel Hotel sa Pasay City.
Ilang mga supporters naman ni Apolinario ang nagtungo rin sa CCP Complex na nakasuot ng mga t-shirts na may larawan ni Apolinario at ganon din mga tarpaulin.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Rev. Pablo sinagot lamang daw ni Apolinario ang panalangin ng mga miyembro nito kaya kakandidato ito.
Kaugnay naman sa kasong kinakaharap, sinabi nito na bahala na ang korte.
Kung maalala July 2020 ay nilusob ng may 200 PNP-SAF members ang pinagtaguan ni Apolinario na isang beach resort sa Lingid, Agusan del Sur.
Matapos ang bakbakan, inaresto si Apolinario kasama ang misis nito.
Humigit kumulang umano sa 50 mga high powered firearms ang nakumpiska rin ng mga otoridad sa lugar.
Ipinatupad ng mga otoridad ang arrest warrant laban kay Apolinario dahil sa kasong syndicated estafa na isang non-bailable offense.