Kinumpirma ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang panibagong kaso ng nakalalasong red tide na kanilang natukoy sa ilang bahagi ng Bohol at tatlo pang lugar sa bansa.
Batay sa inilabas na shellfish bulletin ng ahensya, sinabi nito na nagpositibo sa paralytic shellfish poison or toxic red tide ang hinangong shellfish sa nabanggit na lugar.
Kabilang sa nakitaan ng presensya ng red tide ay ang katubigan ng Dauis at Tagbilaran City sa lalawigan ng Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, coastal waters ng San Benito sa Surigao del Norte at Honda Bay sa Puerto Princesa City, Palawan.
Dahil dito, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na ihinto muna ang paghaharvest, pagbebenta, pagbili at pagkain ng mga shellfish na hinango sa mga nasabing lugar.
Ayon sa BFAR, lahat ng uri nito at alamang ay hindi ligtas na kainin ng tao.
Samantala, maaari naman aniyang kumain ng isda, squids, hipon at crabs ngunit kailangan na ito ay sariwa at hinugasang mabuti bago lutuin.